A little something about love (evilsmirk)

Written on 8:03 PM by eLectroStatic

Pag-ibig, love, pagmamahal, at amor na iisa lang ang ibigsabihin. Nababaling kagad ang ating atensyon kapag may narinig tayong bagay tungkol sa "LOVE". Ano nga ba ito? Kung may kilala man kayong nakapagbigay depinisyon sa love ay ipagbigay alam kagad sa kinauukulan. May kanya-kanya tayong pananaw tungkol sa "LOVE" na iyan. "Love is blind.", " Love is everything.", mga ilang sikat na linya kapag tinanong mo ang kaibigan mo o kakilala mo kung ano ang love para sa kanila. Gago di ba? Ha ha ha! Ang hirap maghanap ng matinong kausap na magtyatyaga sa mga tanong mo tungkol dito. Alam mong hinde sapat ang piso para kausapin ka nya. Kung ako sa iyo wag mo nang alamin, dahil wala naman talagang depenisyon ito. Ikaw lang sa sarile mo ang kayang magbigay ng depenisyon dito na para lamang sa'yo.

Paano kung tamaan ka ng "Pana ni kupido"? hinde ba dapat yung palaso yung tatama? Kung yung pana ang tatama edi mabubukulan ka lang at magmukha lamang tanga si Kupido sa ginawa niya. Mabalik sa sinasabe ko. Kapag nga ika'y tinamaan ng pag-ibig, Paano mo ito haharapin at ano ang gagawin mo dito? Siguro kung iisipin mo lang, ang dali ng solusyon. Pero kapag nasa katotohanan ka na't andun sa sitwasyon, sige tignan kong lakas ng loob mo. Siguradong basag ka rin sa huli. Maiipit din ang mga salitang umaandar sa utak mo at mga kilos na pinaplano mo. Kaya wala talagang makakapagsabi kung ano talaga ang pag-ibig.

Hinde ba para kang nasa langit kapag ika'y umiibig. Yung tipo bagang makakapagsulat ka ng isang tula habang siya ay iniisip mo. Bawat kantang naririnig mo tungkol sa pag-ibig ay inaalay mo sa kanya. Nagiging sensitibo ka sa bawat kilos na ginagawa ng taong minamahal mo. Minsan kinakausap mo na ang sarile mo sa salamin at tinatanong ang kapalaran ninyong dalawa sa hinaharap. Sumasayaw sayaw pa yan, kumakanta-kanta, o minsan naman gumagawa ka na ng isang "production number" na pwedeng mong isali sa mga patimpalak sa telebisyon na usong uso ngayon na siguradong aabutan ka ng host ng isang libo dahil lang sa munti mong talento.

Naramdaman mo ba na ba minsan na kinikilabutan ka na lang bigla? Na parang may kakaibang pangyayare ang nagaganap sa loob ng katawan mo. Bumibilis ang pintig ng puso mo. Namamawis ang kile-kile mo. Kinakabag ang tiyan mo. At alam mo ang dahilan ng lahat ng iyan ay sanhi ng pag-ibig na nararamdaman mo. Bigla mo na lang sinasabayan ang kanta sa radyo ng jeep na sinasakyan mo at hinde mo napapansin na pinagtitinginan ka na ng mga taong kasabay mo. Wala ka ng paki sa paligid mo kahit alam mong sentro ka na ng atensyon. Bentang-benta din sa'yo ang mga walang kakupas-kupas na pick-up line. Parang matatanggal na ang panga mo sa haba ng ngiti mo habang naiisip mo ang sitwasyon na kung saan ay binibigkas mo ang mga linyang yan sa kanya. Lalo na kung alam mong nagkakalapit na ang inyong mga damdamin. Nanginginig ang mga laman-loob mo sa sobrang kilig kapag naisip mong mapapangiti mo siya at mapapatawa dahil sa munting kalokohang ginagawa mo. Kahit na sabihin ng ibang taong mukha ka ng tanga sa pinaggagagawa mo eh parang musika pa din ito sa pandinig mo. Nakatutok na lahat ng atensyon mo sa espesiyal na nilalang na yun na nagiging sentro na ng mundo mo. Minsan nga siya na ang mundo mo e.

Kapag naglalakad ka sa mall, siguro naiisip mo na kasama mo siya dun. Tapos sabay kayong naglalakad habang magkahawak ng kamay, nagtititigan na tanging siya lamang ang nakikita mo at ikaw lang ang nakikita niya. Walang taong kayang umepal sa sarile niyong mundo. Maghahatakan pa kayo kung saan kayo pupunta o kaya kung saang tindahan kayo titingen. Maghaharutan pa yan oh, sabay magtatawanan. Ang saya diba? dahil alam niyo na sapat na ang ika'y sa kanya at siya'y sa iyo. Tapos naumpog ka bigla sa dingdeng dahil di mo namalayan na nananaginip ka na pala sa sobrang lalim ng pag-iisip mo sa kanya.

Kapag nasa biyahe ka naman (via bus or lrt1/lrt2/mrt or jeepney or tric-de-padyak or by foot) hinde mo rin mapigil magisip ng kung ano-ano. Ayan na, umaandar nanaman ang imahinasyon mo. Ayan na may nakikita ka ng eksena. Eh biglang pumreno yung jeep at muntik ka ng sumubsob sa katabi mo. Tapos sabi ni mamang tsuper lumipat ka na lang daw dahil iikot na siya. Aray, hinde natuloy ang masama mong balak sa isip mo.

Pero eto na, nakalipat ka na. Matutuloy mo na ang pagpapantasya mo. Habang magkatabi kayo sa sinasakyan ninyo, sabay ninyong sinisipat ang bawat tanawing makita ninyo sa daan. Kahit si manong na tumatawid hinde pinatawad ng paningen niyo. Tapos naka-akbay pa yung kamay mo sa kanya o kaya siya ang naka-akbay sayo. Parang biyaheng langit ang pakiramdam ninyo habang magkasama kayo. Kulang na lang lumipad yung sinasakyan niyo. Hinde niyo mapigilan ang PDA ninyo o Public display of Affection na minsan kinaiinisan ng ibang tao. Pero wala naman kayong paki dun kapag may sarile kayong mundo na dalawa. Wala yang mga pidi-PDA na yan. Wala rin saysay yan mga pakielamero na yan. Basta kasama mo siya at masaya kayo. Yun na yun. At pepreno nanaman ang jeep bigla at sumubsob ka na ng tuluyan dahil nakatulog ka pala dahil sa sobrang lalim ng iniisip mong kamunduhan.

Hanggang sa paghiga mo sa iyong kama, iniisip mo kung maiisipan nya bang maglakwatsa ngayong gabi at madadaanan niya ba ang panaginip mo. Minsan pati unan mo hinahalikan mo na, naiisip mo na hinahalikan mo ang matatamis niyang labi na kalasa ng paborito mong ulam. Ambaho tuloy ng punda ng unan mo dahil sa basa na ito ng laway mo. tsk tsk.

Pano kapag andiyan na siya? Mga ilang metro na lang ang kulang bago magtagpo ang inyong mga mata, ilong, bibig, tenga, katawan, paa, kamay, utak, puso, isip at damdamin. Siguradong kumakabog na ang puso mo sa kaba. Unti-unti ng nalalaglag ang ilang parte ng laman-loob mo papunta sa talampakan mo. Ang mga naiisip mo lahat burado na sa utak mo. Iniwan na lamang isang mensahe na "bahala na, andiyan na siya". Sobrang nakakadurog ng katinuan ang nangyayaring kaganapan. Hinde mo alam kung paano mo ipepresenta ang iyong sarile sa kanya. Kung magpapakyut ka ba? o kung ipapahalata mo ang bago mong damit, burloloy o buhok. Wala na, ikaw na lang at ang natitira mong malay ang magkasama sa bakbakang magaganap. Sa tagal mong magdesisyon at kumalma, ayun lumampas na siya. Hinde na kayo nagkabatian dahil sa kagaguhan mo. Sige habulin mo at tawagin mo. Mag-usap naman kayo.

Papayag ka ba naman na lampasan lang? Hinde ka man lang kasi nagpapansin e. Huminga ng malalim at ipunin mo ang natitira mong kahihiyan sa sarile at kausapin mo ang taong nagpapabilis ng iyong puso. Nakakakaba sobra? Nawawala ka sa sarile hinde ba? Ang lakas pa ng kabog ng dibdib mo. Minsan sumasakit pa ang tiyan mo sa sobrang kaba. Napansin mong nalaglag na ang puso mo sa bituka mo, ayusin mo muna at baka turn-off yun sa kanya.

Ayan na, unti-unti ka ng papalapit sa kanya. Nakita ka na niya na papalapit ka at nakatingen na siya sa'yo ng harapan. At babasagin mo na ang pader ng yelo na humaharang sa inyo patungo sa paraisong ipinundar mo para sa inyong dalawa. Sabay babanat ka ng "Hi, musta na?" at makikita mo ang pagkabigla sa kanyang mukha at ang napaganda niyang ngiti. At sasabihin sa iyo na "Sino ka?". Basag! Hinde ka pa naman kasi nagpapakilala. Sugod ka ng sugod. Ayan tuloy.

Ang tao nga naman kapag inlab, nasasabi ultimo langgam magkaka-diabetis sa tamis na mga linya tungkol sa pag-ibig. Maghahanap pa yan kung saang-saan website o kaya maggagawa ng sarile niya. Pero kapag naman nasaktan, maliligo sa mura ang natirang letrato ng mahal n'ya sa wallet n'ya. Ganun talaga ang buhay.

Naranasan mo na bang magsakripisyo para sa mahal mo? Yung tipong nagtiis ka para sa kanya? Siguro halos lahat naman tayo. Lalong lalo na sa mga pagkakataon na may okasyon. Halimbawa kaarawan, monthsary, anniversary, valentines, christmas, new year at iba pa. Tinipid mo yung pera mo para lang makaipon pambili ng regalo. Hinayaan mong magbugbugan ang bituka mo dahil sa gutom kasi pati pagtitipid sa pagkain ginawa mo. Ang tanging dahilan mo sa lahat ng pagpapahirap na yan ay ang mapaligaya siya at maparamdam mong siya ang pinaka-ispesyal na tao sa mundo mo.

O kaya minsan ginagawa mo lahat ng sinasabi niya. Nagpapaalila ka sa kanya. Alam mong wala itong kapalit kundi ang mga ngiti niya at pagpapagaan ng loob niya. Wala kang makukuhang pera o kahit anong salapi sa pagawa nito. Hinde ka rin makikilala at sisikat sa buong mundo kahit gawin mo ito buong buhay mo. Wala ka din makukuhang parangal o gawad-kalingang papremyo galing sa gobyerno. Basta alam mong napasaya mo siya, at umaasa kang mapanalunan mo ang pag-ibig nya. Na kadalasan namang bigo makuha. tsk.

Ito ang opinyon ko sa "Pag-ibig". Walang kinalaman ang pagiging panget mo o pagiging panget nya o pagiging maganda mo o pagiging gwapo niya. Wala din kinalaman ang limpak limpak niyong salapi o limpak limpak niyong utang. Wala din kinalaman ang mga horoscope o kahit anong hula, agimat o gayuma ng mga manghuhula sa quiapo o baclaran. Walang kinalaman ang mga paniniwala mo sa soulmate at true love. Iisa lang naman ang pag-ibig at wala ng iba. Kahit meron itong katapusan, habang buhay mo naman itong maaalala at kapupulutan ng aral. Kahit ilan beses ka pa umibig, hinde ka mauubusan nito. Akala mo lang naubusan ka na pero ang totoo natatakot ka lang na umibig uli dahil sa masamang karanasan. Pag-ibig lamang ang makakagamot sa sakit na dulo't ng pag-ibig. Basta ang mahalaga ay ang naramdaman mo ito at naranasan mong pahalagahan ang damdamin ng isang tao. At minsan sa buhay mo ay lumigaya ka kahit sa sandaling panahon.

Mga nakakaaliw na bagay sa araw-araw na buhay (part 3: wakas)

Written on 5:50 AM by eLectroStatic

**Kung ako sa inyo basahin niyo muna ang part 1 at part 2 sa ibaba**

Tapos na nga ang klase. Pauwe ka na. Pero hinde ka mapakali dahil alam mong wala ka din mapapalang maganda sa bahay mo. Kaye heto't gusto mo munang tumambay at dumagdag sa mga walang silbi sa mundo. Nakasalubong mo ang barkada at sakto nag-aaya din tumambay. Andiyan ang Mall malapit sa skul, ang mga murang kainan sa gilid ng eskwelahan, o di kaya'y ang library na malamig na punong-puno ng mga natutulog na estudyante. Bahala ka na kung saan ka, pero sigurado wala ka pa din silbi kahit saan ka pumunta sa mga ito.

Kung tatambay ka sa mall, aba eh sulit ang pagod mo. Dahil malamig na, madami pang pwede mong bisitahin na tindahan. Kung may pera ka e pwede mong papakin lahat ng matipuhan mong bilihin. Mapa-gamit man o pagkain, sige bilhin mo. Magpakabalahura ka sa pagbili na parang hinde ka na makakabili muli. O kung wala ka naman budget, sige maglakad-lakad ka na lang dahil hanggang tingen at turo ka na lang sa harap ng tindahan. Kung gusto mo naman malibang, andiyan ang Arcade para sa mga mahilig sa laro, Videoke para sa mga bigong manganganta, at studio naman para sa mga nagbabanda. O kung gutom naman kayo ng barkada, o kasama mong syota, andiyan ang mga walang kamatayan na mga fast food chains ng bansa (auko mag-advertise). O kung wala ka talagang pera at trip mo lang talaga magsayang ng oras, meron mga libreng upuan para sa mga namamasyal lang. Umupo ka na lang at usisain mo ang bawat taong makita mo sa loob ng mall.

Sa gilid naman ng eskwelahan ay andiyan ang mga nagtitinda ng umagahan, tanghalian, hapunan. Minsan kasama pa pati midnight snack mo. Hinde rin mawawala ang mga nagtitinda ng sigarilyo. At syempre ang mga bida, ang mga tambay. Halo-halo at iba-ibang uri na ng tao ang sabay-saby nagsasayang ng kanilang oras sa pagawa ng wala sa lugar na ito. Meron mga barka-barkada, meron soloista, meron magsyotang lalake-babae na minsan nagiging lalake-lalake o babae-babae. Sa mga nilalang na yan, meron mga agaw pansin at pilit sumisira sa araw mo. Mga tipo ng tao na hinde mo maintindihan kung anong trip sa buhay. Eto sila:

PDA (Public Display of Abnormalities): Sila yung mga taong mga kakaiba ang trip sa buhay. Hinde sila mga astigin tignan. Kumbaga e mga isip bata pa. Mga hinde pa umaalis ang ugaling hayskul sa mga balat at laman nila.

PDA (Public Display of Affection): Magsyotang walang pakundangan maglandian sa harap ng ibang mga tambay. Pag sila iyong makita, para bang kulang na lang e alukin mo sila ng pribadong kwarto at dun nila gawin lahat ng kamunduhang pagnanasa nila sa isa't-isa.

Konyotics: "Bro, Dude, Muste ke nehh? Ako eto sexy naah.." Ganyan sila magsalita. Mga ingleserong may kanser sa dila. Pilit nagpapakasosyal pero ang bano naman kung pumorma. Pilit din nakikibagay sa mga akala nilang asteeg pero sa loob nila hinde naman nila gusto.

Pa-cool: Eto na ang buhawi. Parang malakas na low pressure area ng masamang hangin ang padating na siguradong hinde papalampasin ng ilong mo. Hayop kung pumorma, hayop sa gadget, at hayop din ang mukha. Grabe tong mga hybrid na mga panget na ito. Akala mo isang naglalakad na display sa mall, dahil sa dami ng mga nakasabit sa katawan. Pati paninigarilyo ginagawang pamorma. Magsisindi pero gagawin lang parol sa kanyang kamay. Lagi nya itong tinatapat sa mga maraming tao para ipakita at ipagmayabang na marunong siyang humawak ng yosi, hawak lang.

Ilang paalala:

Mga sintomas ng pagiging konyo:

#1: Madalas ka ng gumagamit ng mga salitang ingles sa pagsasalita, pagmumura at pagsusulat.
#2: Suwabe kung sabihin mo ang salitang "Shit".
#3: Ginagaya mo ang porma ng mga ilang sikat na personalidad sa ibang bansa.
#4: Humahangin ang paligid mo lage.


Mga sintomas ng pagiging Pa-cool:
#1: Alam mo lahat ng bagong damit, bagong relo, bagong cellphone, bagong brief, at lahat ng bago. Bago pa ko maines sa'yo ay tigilan mo na ko.
#2: Mahilig kang tumambay sa mga matataong lugar.
#3: Lagi kang humaharap sa salamin para magayos ng damit kada minuto ng araw mo.


solusyon: iumpog ang sarile sa pader hanggang sa masira ang pundasyon nito.


Kung sa library o silid-aklatan ka naman mapapadpad, madami kang makikitang nakayukong ulo na akala mo sinalo lahat ng kalungkutan ng mundo. Pero hinde, tulog lang sila. Sila ang mga kapwa mo estudyante na pagod mula sa klase. Hinde na nila hinintay makahiga sa kanilang kama para makarating sa panaginip nila. Nasa sarisarile na silang mga mundo nila. At kaya ka nandiyan dahil makikigaya ka sa kanila at pupuntahan mo din ang sarile mong panaginip. Maraming libro dito ay walang saysay at nagiging unan lamang ng mga tulog na estudyante. Ang mga lamesa nagsisilbing kama. Lalo na kung centralized ang library, ang lamig, masarap matulog. Silid-tulugan.

Matapos mo magsayang ng oras sa pagtambay, naihanda mo na ang iyong sarile sa pagharap sa iyong kapalaran. Uuwe ka na at haharapin ang masaklap ka katotohanan na tapos na ang isang araw na parte ng buhay mo. Sige larga na.

Kadalasan Lrt ang gamit mo pauwe. Dahil sa mabilis at masikip na, mabaho pa ito at madalas pang masira. Asteeg diba? O kung bus man ang pasok sa iyong panlasa, mabilis din ito at siguradong pupulutin mo ang utak mo sa sahig pagtapos ng biyahe. At siyempre hinde din maiiwasan na makasalamuha ang iba't ibang tao na makakasabay mo pauwe. Mga trabahador, mga estudyante, mga pulubi, mga koreano, mga mabaho, mga hinde naligo, mga hinde nagsipilyo at mga may muta pa.

Hinde din mawawala ang mga magsyotang magkahawak kamay, magkaakap, at magkahalikan. Akala mo isang eksena sa paborito mong palabas sa telebisyon na kung saan ang bawat kilos at pagalaw nila ay dapat maging romantiko na kulang na lang ay tubuan ng rosas ang paligid nila. Bago mo pa makita na nilulusob na sila ng isang batalyon na naglalaway na pulang langgam, eh matulog ka na lang muna sa iyong biyahe. Alam kong sawa ka na sa kabullshitan sa iyong paligid. Ganyan talaga ang buhay.

Sa pagbaba mo sa biyaheng lrt o biyaheng bus, sasakay ka pa pala ng Jeepney. Tignan mo muna kung sapat pa ang barya mo na sukli sa binili mong yosi kanina. Kapag kulang, kelangan mo ng humawak sa patalim. Pero may oras ka pa naman para mamalimos ng ilang barya sa mga kasabay mo. Andiyan na ang jeep, ihanda ang sarile makipagtulakan, makipagbalyahan at makipagsiksikan sa mga iba pang pasahero.

Kung anong eksena ang nakita mo kaninang umaga e ganun pa din ang makikita mo sa jeep na iyong sinasakyan sa paguwe. Mga tulog, sabog, at gutom na kayo pare-pareho pero konting tiis na lang ay makakarating na kayo sa inyong mga tahanan.

Pagdating mo sa bahay, magmamano ka na kay lolo't lola, nanay't tatay, ninong't ninang bilang tanda na nasa bahay ka na nga. Maghahanap ka ng pagkain sa lamesa. Minsan meron, kadalasan wala. Mangangaso ka muna ng naliligaw na delata sa kalsada para magkaulam ka. Ang bigas aanihin mo pa sa rice dispenser ninyo. Pagtapos mo kumain, hinde ka pa busog. Pumanik ka na lang sa iyong kwarto at magpahinga.

Sa loob ng magulo mong kwarto, ihahanda mo na ang mga gamit mo para sa iyong takdang aralin. Kung may computer ka man, bubuksan mo na ito at dito ipagpapatuloy ang pagsasayang ng oras. Eto ang karamay mo kadalasan kapag may mahaba kayong pagsusulit kinabukasan at required kayong wag matulog sa gabing iyon. Aabutin ka kadalasan ng alas-dose, ala-una, alas-dos o minsan pa alas-kwatro ng umaga bago mo matapos ang iyong takda. At ang klase mo kinabukasan ay nagsisimula ng ala-siyete y medya. May dalawang oras ka pa para matulog ng mahimbing. Bago ka matulog ay maglilinis ka pa ng katawan, ngayon may isang oras ka na lang para matulog ng mahimbing.

Pero minsan naman natatapos ang araw mo na libre ang gabi mo. Hawak mo lahat ng oras sa gabing iyon para isipin at balikan lahat ng nangyare sa iyo. Mula sa masarap na pagising hanggang sa masaklap na paguwe. Inaalala mo ang bawat taong nakita mo at pilit mong sinasagot ang ilang katanungan sa iyong sarile. Hinde mo maiwasang isipin kung minsan na sadyang itinakda sa iyo ng tadhana na maging ganyan ang buhay mo. Pero kung susumahin mo e ikaw din naman ang may gawa sa iyong sarile na magkaganyan ang buhay mo.

Nasa atin ang pagdedesisyon kung paano papatakbuhin ang buhay natin Hinde mo kelangan sisihin ang oras o ang panahon kung bakit ka nababagot sa buhay mo. Hawak mo ang solusyon sa pinakamalaking problema ng iyong buhay. Wala ka rin mapapala sa kakasisi mo sa diyos kung bakit ka nagkaganyan. Hinde ito maibibigay ng kahit anumang dasal na saulado mo. Minumulat ka lamang nito para mas makita mo ang mga walang kwentang bagay sa iyong sarile. Binigyan ka ng diyos ng isip, puso, mata, ilong, tenga, bibig, kamay at paa para magawa mo ang mga gusto at dapat mong gawin. Nasa sa iyo kung gusto mong likhain ang solusyon na hinahanap mo. Simulan mo sa pinakasimple ang pagbabago, unti-unti naman itong magiging mas maganda sa bawat pagbabagong gagawin mo. Konting tiyaga lang at pagsisikap ang kelangan. Kaya mong baguhin ang lahat ng walang kwentang nangyayare sa iyo kahapon sa bukas na haharapin mo. Sige matulog ka na, marami pang naghihintay na pagkakataon para sa iyo sa hinaharap.

Mga nakakaaliw na bagay sa araw-araw na buhay (part 2)

Written on 2:44 AM by eLectroStatic

Nakarating ka na sa lugar ng iyong pinapasukan. Pero makikipagsiksikan ka muna sa pagbaba sa iyong sinasakyan. "Excuse me, padaan po." ; "Makikiusod." ; "ANO BA?!!". Ilan lang yan sa masasabi mo o di kaya maririnig mo. Pagbaba mo hihinga ka muna dahil sa nakakapagod na biyahe. Hihinto ka muna sa isang tindahan ng yosi at magsisindi. Sarap na sarap ka sa paghithit at pagbuga habang naglalakad papasok.

Habang sa iyong paglalakad kung ano-ano pa ang makikita mo. Meron mga natutulog pa sa kanilang "5-star bangketa". Meron ng nagsisimula ng kanilang "entrepreneurship" sa pagtitinda ng kung ano-ano sa kalye sa araw na iyon. Meron din nagwoworkshop pa ng kanilang pagmamakaawa para mas malakas ang kita ng kanilang pamamalimos. Meron din dalawang asong hinde pa din tapos sa isang mainit na gabing puno ng bakbakan. Meron din dito ng mga gahamang tricycle driver na akala mo ginto ang gulong kung maningil. Meron ka din makikitang nagbebreakfast sa karinderya ng bayan. At siyempre mawawala ba ang mga buwitre at hagad na hinding-hinde magpapatalo sa pangongotong. at oo nga pala, meron din mga nagpapakadalubhasa sa kanilang propesyong "PAGTAMBAY". Nagpapaligsahan din sila kung sino ang pinakamaraming walang magagawa sa araw na iyon.

Matapos ang paglalakbay mo sa kalye. Eto nasa skwelehan ka na. Bubunutin mo na ang iyong malupit na identification card at ikakaskas sa censor ng computer ng entrance ninyo. Kung hinde naman hi-tech ang iyong eskwelahan, eto isusuot mo na ang di sabit na name tag at ngumiti sa guwardya ng inyong paaralan. At dahil uso ngayon ang A(h1n1) na sakit, malamang meron din sa gate ninyo na mga nagaabang na ika'y "barilin"..este.. kunin pala ang iyong temperatura gamit ang hugis baril na kung ano man ang tawag nila dun, wala ka ng paki. At meron pang isang mahiwagang kagamitan na isinusuksok naman sa iyong tenga. Hinde mo na naranasan masubukan yun dahil yung baril na ang ginamit sa'yo. Nangako ka sa sarile mo na bukas yun naman ang maeexperience mo. O siya lakad na papunta sa iyong silid.

Sa iyong paglalakad sa loob ng paaralan, sari sari pa din tanawin ang iyong makikita. Andiyan si "Gwapong-gwapong BF" na makakasalubong mo sa gate na hinihintay ang syota nyang late lage. Andiyan din si "Mr./Ms. Early bird" na 7:30am palang aya nasa eskwelahan na pero ang klase ay mamaya pang 12:00pm. Eto pa si "Crammer" na nagmamadali pumasok dahil mangongopya ng assignments at magrereview dahil meron silang quiz mamaya. Makikita mo din ang mga "Vartisies" (oo vartisies talaga siya) na napaka-agang sinisimulan ang pageensayo ngunit lage naman talo sa mga paligsahan. Siyempre lilingunin mo sila dahil maghahanap ka ng gwapo/maganda sa kanila at sisimulan mo na ang karir mo sa pang-iistalk sa kanya sa buong taon. Sa cafeteria naman ay makikita mo sila crammer o sila "Couple of the year" na hinde nag-almusal dahil hinde pa sumisikat ang araw ay nagsimulang ng bumiyahe paalis. Pagdating mo sa labas ng klasrum mo ay makikita mo ang mga kaklase mong nakaupo sa dingding at hinihintay na buksan ang silid. Kung titignan mo ang buong corridor, makikita mo ang mga grupo-grupo na nahati din sa kategorya.

Bandarito: Madalas silang magkakasama at pare-parehong mga nakapormang rakista. Kadalasan din binubuo ng mga lalake lamang. Bihira mo lang sila makita na may kasamang babae. Siguradong meron silang mga alam na instrumento na tugtugin o di kaya'y updated sila sa mga bagong kanta ngayon. Kadalasan din mahaba ang kanilang mga buhok tulad nila ng ilang kilalang personalidad sa industriya ng musika.

Berks: Eto ang mga grupo ng estudyante na binubuo ng babae at lalake. Lagi silang magkakasama tuwing vacant, lunch, at uwian. Hinde sila nag-iiwanan at lagi silang sabay-sabay na nagrereview kapag may exam.

Machos: Eto din ay grupo ng mga lalake. Mga brusko at todo kung pumorma. Madalas nilang pag-usapan kung gano nila kahirap pinalabas ang kanilang mga mukels..muscles pala.. At kung ano-ano ng sofa at appliances ang mga nabuhat nila sa gym.

Kikays: Binubuo lamang ng mga babae. Sila yung mga nagkakasundo kapag pagpapaganda na ang pinagusapan. Ang madalas nilang dala ay ang kanilang mahiwagang shoulder bag na kumpleto sa kagamitan. Andiyan ang make-up, libro, notebook, papers, documents sa loob ng bag. Nakakapagtaka kung pano nila nagpagkakasya ang lahat ng iyon.

Couples: Eto ang mga magsyotang laging magkasama. Lagi din silang magkaklase sa lahat ng subject. Wala silang kakilalang iba. Kung meron man, siguradong mga kaklase lang nila yun. Sa kanilang dalawa lang umiikot ang mundo nila.

Poseros/Poseras: Pwedeng grupo ng lalake o grupo ng babae. Sila ang mga tipo ng tao na tumatambay lamang sa matataong lugar. Lagi silang merong bagong damit, sapatos, gadget, at pati siguro bagong brief/panty ay ipagmamayabang na din nila. Sila din yung mga laging maangas tumayo o tumingen sa mga dumadaang tao. Madalas silang bumisita sa banyo upang tignan sa salamin kung nagulo ang kanilang buhok. Ang dala lamang nilang bag ay yung medyas mo lang ang magkakasya. Medyo may pagkakahawig sila sa "Ang tropa". Pero ang mga posero/poseras ang mas mababang antas.

Ang Tropa: Binubuo ito ng babae at lalake. Laging nagtatawan at nagkukulitan. Sila yung mga taong pagmagkakasama ay siguradong pagtitinginan ng tao sa ingay. Dahil lagi nga silang nagtatawanan at nagkukulitan. Lagi din silang magkakasama kapag may okasyon, lalo na kapag may inuman at kainan. Sila din yung mga taong "ang kaaway ng isa ay kaaway ng lahat". Siguradong reresbakan ka ng buong grupo nila kapag meron kang kinanti kahit isa sa kanila. Kaya siguraduhing kaibiganin ang mga ito.

Loner: Pwedeng babae o lalake. Sila ang pariah o untouchbles ng kategorya. Kadalasan mong makikitang may hawak na libro o di kaya'y kung anong bagay na pang-isang tao lamang. Nalilibang na sila sa ganun lang. Siguro maiiyak siya kung may isang taong lalapit sa kanya at makikipagusap. Kahit siguro magtanong lang ng direksyon.

Papasok ka na sa loob ng silid-aralan mo. Titignan mo muna kung saan ang bakante o di kaya kung saang puwesto ang may katabing matino. Pagpasok ng titser ay siguradong susuriin mo muna kung kabilang siya sa lalake o babae. Kung lalake, tatanungin mo muna ang sarile mo kung bakla ba to o tunay na lalake. Kung babae, tbird o may asawa na. Oobserbahan mo din kung pano siya makikitungo sa klase, kung terror ba o di kaya ay sure pass. Kung dapat bang pasukan o pwede ng mag-cutting na lang. At siguradong lahat ng taong kasama mo sa klasrum ay pare-pareho ang iniisip, kung tao siya o hinde.

Magsisimula na siya ng aralin, ang guro. Habang pinagmamasdan mo ang panget niyang mukha, walang pumapasok sa isip mo kundi ano ang pinagsasabi ng nilalang na yan sa harap. Pilit mong sinasagot kung bakit ang dami nyang alam sa buhay, tao ba siya? Ayan nakuha nya ang atensyon mo, pinilit mong intindihin ang turo. Pero wala pa din. Wala pa din pumasok sa isip mo. Sa lahat ng klase mo wala kang natutunan. Bawi na lang bukas.

Tanghalian mo na. Binigyan ka ng maykapal ng sandaling oras para kumain at ibalik ang sarile mo sa normal bago ang iyong susunod na klase. Kasama mo ang tropa mong ibinabalik din ang sarile sa dati. Tutungo kayo sa cafeteria at sasali sa kilos protesta ng mga gutom na estudyante dahil sa bagal ng pagtitinda ng pagkain. Uunahin mo muna humanap ng pwesto saka ka sasabak sa giyera. Sige rumonda ka muna ng mga taong patapos na kumain. Sa iyong pagronda, marami kang makikita na bakanteng lamesa ngunit merong bulubunduking tambak ng bag na nagpapahiwatig na meron ng nakapuwesto. Maghahanap ka din ng kakilala mo at makikisalo sa kanyang lamesa. Ngunit mahirap maghanap, kung meron man ay siguradong may kasama din sya, wala kang pwesto sa tabi nya. Ayan may nakita ka na, bilisan mo. Madami kang kasabay na rumoronda. Yun, nahuli mo. Meron ka ng lamesa. Sige pumila ka na at bumili ng iyong pagkain. Ubos ang oras mo sa pagpila at pagkain. Malapit na mag-bell, wala ka ng oras tumambay at pumetix pa. Akyat na.

Matapos ang madugong tanghalian, papasok ka na uli sa iyong klase. Makakaharap mo uli ang isang panibagong nilalang na iyong kagigiliwang laitin. Ngunit hinde rin magtatagal ay matatalo ka ng nakakabagot nyang pagtuturo. Mawawala ka nanaman sa iyong katinuan. Tingen ka ng tingen sa relo dahil kaunti na lang sasabog ka na dahil sa bagot. Bawat galaw ng kamay ng relo nararamdaman mo. Bumabagal ang paligid, pati ang pananalita ng guro lumalaki at bumabagal. Bawat kabog ng dibdib ng kaklase mo nararamdaman mo na din. Dahil parepareho na kayong naiinip at gusto ng umuwe. Ayan malapit na, malapit ng matapos ang oras ng klase nya. Unti-unti mo ng nakikita ang liwanag mula sa madilim na impyernong kinauupuan mo. Simulan mo na ang pagbibilang, 5,...4,...3,..(kringkringkringkring!!). Sa bagal mo magbilang naawa na sa iyo ang bell at kusa na siyang tumunog para sa iyo. Kaawa awa kang nilalang. At dahil sa biglaang pangyayare, nagising ka na lang sa katotohonang uwian na. Kinakapa mo ang iyong sarile dahil hinde ka makapaniwalang uwian na. Sige tayo na, uwian na nga.

Sa paglabas sa silid aralan, hahanapin mo ang tropa mo at tatanungin isa-isa dahil aayain mo silang kasabay pauwe. Sige simulan mo na. Dahil hinde pa tapos ang istorya ng iyong araw. Sige huminga ka muna.

Mga nakakaaliw na bagay sa araw-araw na buhay (part 1)

Written on 6:39 AM by eLectroStatic

Hinde ba ang sarap gumising sa umaga tapos mag-iinat ka ng parang yon na ang huling pag-iinat mo. Saka ka babangon at titingen sa salamin upang checkin ang mala gintong muta sa iyong mga mata. Tapos maamoy ang iyong hininga na parang hininga ng karpinterong may hangover mula sa matinding inuman. Ngayon susugod ka na sa banyo at magbabawas..... at maglilinis ng katawang galing sa maruming araw mo kahapon. Ang sarap diba? ang sarap tanggalin ng mga dungis sa iyong katawan gamit ang mainit na tubig at mabangong sabon. Tyempong malamig din ang panahon kaya tamang tama lang ang kumukulong tubig sa balat mo. Oha! ang sarap! ginhawa sa pakiramdam.

Ngayon naman na tapos ka na maligo, ika'y papasok ng kwarto at magbibihis. Ngunit hinde ka pa didiretso na magbihis, dahil kung ano-ano pang katarantaduhan ang gagawin mo. Ito ay ang sumayaw ng walang kahit ano mang saplot sa salamin o di kaya'y magpanggap na isang asteeg na asteeg na gitarista ng kinakaskas ng malupit ang isang bonggang-bonggang gitara habang nasa harap ng salamin. Hay nako, masyado ka ng naaaliw hinde pa nagsisimula ang araw mo.

Pagbaba mo sa kusina maaamoy mo ang napakabango, napakalinamnam at naguumapaw sa sarap na isang kawaling sinangag, ngunit walang ulam. maghahanap ka pa sa iyong "prigider" ng mga natirang ulam sa hapunan niyo kagabi. Madalas na pagpipilian e pinatigas na tira-tirang barbeque, tinolang manok o minsan pagseswertehin, wala talagang ulam. Pero wag mag-alala, siguradong merong pandesal sa lamesa naghihintay ng iyong pansin. Kulang na lang ang isang basong kape para sawsawan ng pandesal. Instant almusal diba?

Paalis ka na ng bahay, nakalimutan mo magsipilyo. Bumalik ka sa inyo at nagsipilyo. Nakalimutan mo din palang isara ang mga dapat isara sa iyong kwarto (e.g. computer, tv, ilaw, bentilador). Pati ang bag mong dadalhin nakasabit pa sa pader ng kwarto mo. Ngayon handa ka na talagang umalis. Sige layas na.

Paglabas mo ng bahay makikita mo ang santambak na basurang isang gabi lang pinagipunan sa harap ng inyong bahay. At babatiin ka ng mga nagdadaan na tricycle boy na nag-aalok na isakay ka. Ngunit tatanggihan mo naman dahil alam mong hinde ka nila kayang ihatid sa iyong eskwelahan na 14km ang layo mula sa inyo. Sa mahal nila maningil siguro makakanuod ka na ng tatlong bagong palabas sa sine sa halagang ibabayad mo sa kanila. Andiyan na ang jip na sasakyan mo, parahin mo na. Pero tignan mo muna kung puno o hinde, sige ka baka ika'y sumabit ng hinde oras.

Pagsakay mo sa jip, sari-saring tao ang mga makakasabay mo, sari-sari ding dedmahan ang iyong mapapansin. May nagtetext, may natutulog, may nakikinig sa kanyang mp3, may sumasabay sa tugtog ng radyo na minsan pati mga jokes hinde na pinatawad, may kinakausap ang sarile, may nakatingen sa malayo, may nagbibilang ng bato, may nagbibilang ng pasahero at kung ano-ano pang posibleng gawin sa loob ng jip.

Kung si manong tsuper naman ang bibigyang pansin, ganun din sila, sari-sari pero magkakapareho. Meron kaskasero, gahaman sa pasahero, gahaman sa pamasahe, galit sa mundo, at kung ano-ano pa.

Sa iyong pagbiyahe ang dami mong pwedeng gawin habang ikaw ay nakaupo sa mahiwagang jip. Pwede kang matulog kung napuyat ka kagabi kung ika'y nag-aral para sa darating na pagsusulit o di kaya'y ipagpatuloy ang pag-aaral habang sumasabay sa matagtag na andar ng iyong sinasakyan. Pwede ka din tumingen na lang sa bintana at pagmasdan ang mundo sa pagikot nito. Makakakita ka ng mga taong bagong gising, basura, baha, mga traffic-aide at iba pang biyahe ng mga jip. Nasa pagpipilian mo din ang makinig na lang sa iyong mp3, kung meron ka man, para hinde mo marinig ang kabullshitan ng mundo. O kaya'y pumuwesto sa dulo sa may likuran ng driver at abangan ang mga iniaabot na bayad ng mga pasahero. Pwede ka na din magpanggap na "nagbayad na" kapag ito'y iyong ginawa. Pero wag ganun, masama yun. Gawin lamang ang pamamaraan na ito kung wala na talagang pamasahe, mapapatawad ka naman siguro ng panginoon.

Pagbaba mo mula sa mahaba at nakakapagod na pagbiyahe ay lilipat ka naman ngayon sa isa pang nakakapagod sakyan. Ito ay kilala sa tawag na Light Railway transit o Lrt. O kung hinde ka naman sumasakay sa bagay na ito e malamang ang sinasakyan mo ay bus o di kaya'y taxi papasok sa iyong eskwelahan/opisina. Alin man dito sa mga nabanggit e siguradong meron ka pa ding nakakaaliw na bagay na iyong makikita at mapupuna.

Lrt: Habang ika'y nagaabang ng tren, maiinis ka muna bago ka makasakay dahil sa dami ng taong nakikipagunahan, nakikipagsiksikan, at nakikipagbalyahan para makasakay sa tren. Pero hinde lang yun ang kaiinisan mo. Kaiinisan mo din ang oras na nasayang dahil sa kahihintay makasakay. At isa pa, maiinis ka din sigurado kapag naipit at nagulpi ng sangbayanang pasahero ng lrt. Papasok ka pa lang eh ubos na ang lakas mo para sa araw na ito. Pero hinde pa diyan nagtatapos ang kalbaryo. Makakita ka ng mga magsyota, mga trabahador, estudyante, taong naliligaw, taong nababaliw, taong walang pakialam, manloloko, manggagantso, manyakis, magnanakaw at kung ano pang masamang elemento ang maisip mo. Kapag nakasakay ka na, meron pa din problema, at iyon ang kung panong pwesto ang gagawin mo sa loob ng naguumapaw sa pasaherong Light railway transit. Makakasalamuha mo din sa loob ang iba't ibang klaseng taong nabanggit. Para kang naglalaro ng doktor kwak-kwak, habulan, taguan, at basketball sa loob. Iba't ibang pilipit dapat ang iyong napagsanayan kung ayaw mong mahirapan. At dapat ay marunong ka din kumendeng-kendeng para maisabay mo sa mayugyog na biyahe ang iyong katawan galing sa isang istasyon papunta sa susunod. Walang hihinga hangga't hinde humihinto sa isang istasyon. Wala din uutot, dahil siguradong madami ang mapipinsalang negosyo at kabuhayan.

Bus: Mas masarap naman ang buhay dito kung ikukumpara mo sa buhay sa Lrt. Mataas ang porsiyento na ika'y makaupo sa loob ng bus dahil sa madami itong upuan at maliit lamang ang space na pwedeng tayuan. Kumbaga e ito lang ang "upgraded version" ng biyahe sa jip. Pero nadagdagan lamang ang mga kakaibang taong iyong makakasabay. Meron ka din makakasabay na natutulog ngunit ngayon ay nakanganga na. Bulgaran na kung baga. Meron din mga nagsasalita magisa ngunit hinde na pabulong. Meron din nakikipagusap sa cellphone na pinagyayabang nya ang lakas ng boses nya. At ang pinakamaganda ay yung mga nakitang mong natutulog na nakakanganga, tapos may biglang tutulo na laway, tapos biglang maalimpungatan at magpupunas ngunit hinde mapapansin na tumulo ito sa damit na isang malakas na ebidensya na tumulo nga ang laway nya.

Taxi: Pinag-uusapan pa ba to? Mayaman ka e. siguradong kumportable ang buhay mo sa pagtataxi mo. Mabilis ka ng makakarating sa pupuntahan mo at kelangan mo lang gawin ay magbayad ka ng malaki. Yun lang!

Ngayon nakarating ka na sa papasukan mo. Nagsisimula pa lang ang araw mo pero kung ano-ano na ang nakita mo. Mahusay, hinde pa diyan nagtatapos ang kaguluhan.

50 Random facts about me and this world..

Written on 7:25 PM by eLectroStatic

Eto ang mga ilang katotohanan sa araw-araw kong buhay sa pagalaw ko sa mundong ito.

  1. Ako si Kurt
  2. Mahilig ako sa pagkain
  3. Baguhan ako sa pagbablog.. pasensya!
  4. Makalat ang kwarto ko
  5. Tamad akong tao
  6. Hinde ko gusto ang mundo
  7. Hinde rin naman nya ko gusto.. quits lang.
  8. Nagsisimula ang araw ko sa pagligo.. kapag may pasok
  9. Kapag naman sa bahay lang ako.. asahan mong natutulog lang ako..
  10. Ako'y may ilang kaalaman sa pagtugtog
  11. Bahista ako ng bandang "Digby's Internet Phenomenon"
  12. Isa ko sa napakaraming tarantadong kabataan sa pilipinas
  13. Masayahin ako
  14. Ayoko sa posero
  15. Ayoko sa Jonas Bros.. kadire
  16. Gusto ko si Taylor Swift
  17. Hinde ako emo
  18. Loser ako
  19. Nakalimutan ko na magbanggit about this world
  20. Iisa ang takbo ng mundo
  21. Araw-araw walang pagbabago
  22. Nakakatamad lang
  23. Lagi kong dala ang ipod ko para nde ko marinig ang kabullshitan ng mundo
  24. Mahilig sa musika
  25. Miyembro ako ng "Samahang mahilig sumiksik sa lrt pagpasok"
  26. Wala kong interes sa pag-ibig ngayon
  27. Gusto ko ang sumakay sa jip
  28. At nagbabayad naman ako ng tama pero minsan hinde ako nagbabayad
  29. Natutuwa ko sa mga tindero/tindera ng yosi at kanton sa eskwelahan namin
  30. Gusto ko ang amoy ng kalamansi
  31. Di ko maintindihan kung bakit gusto ko din ang amoy ng gasolina
  32. Bakit kaya hinde pa din nagbaba ng pamasahe?
  33. Nahihirapan na ko magisip ng ilalagay ko dito
  34. Masarap kumain ng Chinese cuisine.. panalo saken ang yang chow at stir fried spinach w/ garlic sauce. yum yum!
  35. Ewan ko ba kung bakit hinde ko magustuhan ang pagkain ng hapon
  36. Naiinis ako sa mga bagay na hinde naman dapat kainisan
  37. Hinde ko maintindihan kung bakit may vain na lalake.. bading ba sila?
  38. Hopeless romantic
  39. Hinde ako vain
  40. Hinde naman ako masamang tao.. Gusto ko lang talagang manlait
  41. Mahilig sa Manga at Anime
  42. Ayoko ng Physics at Math.. Eh bakit nasa engineering course ako?
  43. Marami na masyado ang mga posero at posera sa mundo
  44. Walang kwenta ang gobyerno at media sa pilipinas
  45. Hinde sapat ang pera ko para makabili ng aking mga kelangan
  46. Galit ako sa mga pasahero ng jip na kung umupo eh tatlong tao ang katumbas nila
  47. Galit din ako sa monumento station na walang ginawa kundi magskip-train
  48. Hinde mo ko mapipigil na magFB, magplurk, at magbukas ng online manga sites
  49. Tamad ako magaral pero pinipilit ko ng baguhin to
  50. Hinde ko maisip ang tagalog ng refrigerator, crane, hamburger, bacon at hotdog
So most of it about sa akin? sorry naman.. sa susunod aayusin ko na po ^_^

DONUT T_T

Written on 8:27 AM by eLectroStatic

Naisip ko kasi itong iregalo sa isang ispesyal na babae (actually suggestion pala ng kaibigan ko). Ang tagal kong pinroblema yang lintek na regalo na yan. ha ha ha! kasi ang dami dami dami dami dami dami ng "mga regalong walang kupas". Ito'y binubuo ng mga sumusunod: bear, necklace, bracelet, earrings, etsetera etsetera. Parang ambaduy na ibigay. Benta pa yun sa mga high school student pero sa mga kolehiyo na, bano na yun.

Usong uso pa din magregalo ng mga regalong nabanggit lalo na sa 1st monthsary, 2nd monthsary, 235th monthsary, birthday, valentines, christmas, new year, anniversary, at kung ano-ano pang okasyon na gusto ninyong icelebrate ng syota mo. Wala lang, napansin ko lang.

Mahilig tayo magregalo lalo na sa mga mahal natin. Naibibili natin sila ng mga bagay ni tayo nga e wala. ha ha ha ha! parang tanga lang. Katulad nung isang beses na niregalo ko yung donut. todo effort pa talaga ako para sa bonggang kaarawan na yun. Lintek na yun sobrang napagod ako nun. kasabay pa yun ng mga exam ko. Habang nag-aaral ako e ginagawa ko din ung regalo nya. (hinde ko ginagawa yung donut ah. ibang regalo to) Grabe. dagdag pasakit. Hinde na nga ko nakakatulog e. Wala din palang mangyayare.

Nakandabagsak-bagsak pa pati mga quizzes ko. lintek na yan. Ang hirap pala talaga pagsabayin ang pag-aaral at buhay pag-ibig. Minsan di mo na alam kung ano ang uunahin. Maaaring makaapekto ang dalawang ito sa bawat isa. Kunwari ika'y bigo, maaaring makaapekto ito sa pagaaral mo. kung ikaw naman ay busy sa pagaaral, hinde mo naman siya mabigyan ng pansin. huminga ka muna pare! saka mo isa-isahin. *wink*

Siguro kelangan mo lang talagang matuto kung pano mo haharapin ang mga gantong bagay. Malas mo kapag hinde mo itong nagawang balansihen. Magiging miserable ka dahil sa bagsak ka o kaya dahil sa iniwan ka na ng mahal mo (buti nga sa'yo).

Tulad ng nangyare sa'kin nga isang beses. (ang kulit mo naman e kung ano-ano pa kasi sinasabi eh) Niregaluhan ko siya ng isang kahon ng doughnut, at di lang basta-basta ang mga donuts na yun, ispesyal kaya yun. Hugis letra pa ang bawat isa na may mensaheng ipinahahatid. Kasama ng mga ito ay isang iniscrap na b-day card, isang alkansyang baboy, at mga love letters. Ilang tanghalian ang tiniis ko para lang mabili ko iyon. Ilang oras din ang sinayang sa pagaaral ko para lang mapaghandaan ko iyon. Ngunit sa huli wala din akong napala. May syota pala sya! (MALAS MO!). Hanggang ngayon hinde ko pa din natitikman yung donut na yun. Wasak!