A little something about love (evilsmirk)

Written on 8:03 PM by eLectroStatic

Pag-ibig, love, pagmamahal, at amor na iisa lang ang ibigsabihin. Nababaling kagad ang ating atensyon kapag may narinig tayong bagay tungkol sa "LOVE". Ano nga ba ito? Kung may kilala man kayong nakapagbigay depinisyon sa love ay ipagbigay alam kagad sa kinauukulan. May kanya-kanya tayong pananaw tungkol sa "LOVE" na iyan. "Love is blind.", " Love is everything.", mga ilang sikat na linya kapag tinanong mo ang kaibigan mo o kakilala mo kung ano ang love para sa kanila. Gago di ba? Ha ha ha! Ang hirap maghanap ng matinong kausap na magtyatyaga sa mga tanong mo tungkol dito. Alam mong hinde sapat ang piso para kausapin ka nya. Kung ako sa iyo wag mo nang alamin, dahil wala naman talagang depenisyon ito. Ikaw lang sa sarile mo ang kayang magbigay ng depenisyon dito na para lamang sa'yo.

Paano kung tamaan ka ng "Pana ni kupido"? hinde ba dapat yung palaso yung tatama? Kung yung pana ang tatama edi mabubukulan ka lang at magmukha lamang tanga si Kupido sa ginawa niya. Mabalik sa sinasabe ko. Kapag nga ika'y tinamaan ng pag-ibig, Paano mo ito haharapin at ano ang gagawin mo dito? Siguro kung iisipin mo lang, ang dali ng solusyon. Pero kapag nasa katotohanan ka na't andun sa sitwasyon, sige tignan kong lakas ng loob mo. Siguradong basag ka rin sa huli. Maiipit din ang mga salitang umaandar sa utak mo at mga kilos na pinaplano mo. Kaya wala talagang makakapagsabi kung ano talaga ang pag-ibig.

Hinde ba para kang nasa langit kapag ika'y umiibig. Yung tipo bagang makakapagsulat ka ng isang tula habang siya ay iniisip mo. Bawat kantang naririnig mo tungkol sa pag-ibig ay inaalay mo sa kanya. Nagiging sensitibo ka sa bawat kilos na ginagawa ng taong minamahal mo. Minsan kinakausap mo na ang sarile mo sa salamin at tinatanong ang kapalaran ninyong dalawa sa hinaharap. Sumasayaw sayaw pa yan, kumakanta-kanta, o minsan naman gumagawa ka na ng isang "production number" na pwedeng mong isali sa mga patimpalak sa telebisyon na usong uso ngayon na siguradong aabutan ka ng host ng isang libo dahil lang sa munti mong talento.

Naramdaman mo ba na ba minsan na kinikilabutan ka na lang bigla? Na parang may kakaibang pangyayare ang nagaganap sa loob ng katawan mo. Bumibilis ang pintig ng puso mo. Namamawis ang kile-kile mo. Kinakabag ang tiyan mo. At alam mo ang dahilan ng lahat ng iyan ay sanhi ng pag-ibig na nararamdaman mo. Bigla mo na lang sinasabayan ang kanta sa radyo ng jeep na sinasakyan mo at hinde mo napapansin na pinagtitinginan ka na ng mga taong kasabay mo. Wala ka ng paki sa paligid mo kahit alam mong sentro ka na ng atensyon. Bentang-benta din sa'yo ang mga walang kakupas-kupas na pick-up line. Parang matatanggal na ang panga mo sa haba ng ngiti mo habang naiisip mo ang sitwasyon na kung saan ay binibigkas mo ang mga linyang yan sa kanya. Lalo na kung alam mong nagkakalapit na ang inyong mga damdamin. Nanginginig ang mga laman-loob mo sa sobrang kilig kapag naisip mong mapapangiti mo siya at mapapatawa dahil sa munting kalokohang ginagawa mo. Kahit na sabihin ng ibang taong mukha ka ng tanga sa pinaggagagawa mo eh parang musika pa din ito sa pandinig mo. Nakatutok na lahat ng atensyon mo sa espesiyal na nilalang na yun na nagiging sentro na ng mundo mo. Minsan nga siya na ang mundo mo e.

Kapag naglalakad ka sa mall, siguro naiisip mo na kasama mo siya dun. Tapos sabay kayong naglalakad habang magkahawak ng kamay, nagtititigan na tanging siya lamang ang nakikita mo at ikaw lang ang nakikita niya. Walang taong kayang umepal sa sarile niyong mundo. Maghahatakan pa kayo kung saan kayo pupunta o kaya kung saang tindahan kayo titingen. Maghaharutan pa yan oh, sabay magtatawanan. Ang saya diba? dahil alam niyo na sapat na ang ika'y sa kanya at siya'y sa iyo. Tapos naumpog ka bigla sa dingdeng dahil di mo namalayan na nananaginip ka na pala sa sobrang lalim ng pag-iisip mo sa kanya.

Kapag nasa biyahe ka naman (via bus or lrt1/lrt2/mrt or jeepney or tric-de-padyak or by foot) hinde mo rin mapigil magisip ng kung ano-ano. Ayan na, umaandar nanaman ang imahinasyon mo. Ayan na may nakikita ka ng eksena. Eh biglang pumreno yung jeep at muntik ka ng sumubsob sa katabi mo. Tapos sabi ni mamang tsuper lumipat ka na lang daw dahil iikot na siya. Aray, hinde natuloy ang masama mong balak sa isip mo.

Pero eto na, nakalipat ka na. Matutuloy mo na ang pagpapantasya mo. Habang magkatabi kayo sa sinasakyan ninyo, sabay ninyong sinisipat ang bawat tanawing makita ninyo sa daan. Kahit si manong na tumatawid hinde pinatawad ng paningen niyo. Tapos naka-akbay pa yung kamay mo sa kanya o kaya siya ang naka-akbay sayo. Parang biyaheng langit ang pakiramdam ninyo habang magkasama kayo. Kulang na lang lumipad yung sinasakyan niyo. Hinde niyo mapigilan ang PDA ninyo o Public display of Affection na minsan kinaiinisan ng ibang tao. Pero wala naman kayong paki dun kapag may sarile kayong mundo na dalawa. Wala yang mga pidi-PDA na yan. Wala rin saysay yan mga pakielamero na yan. Basta kasama mo siya at masaya kayo. Yun na yun. At pepreno nanaman ang jeep bigla at sumubsob ka na ng tuluyan dahil nakatulog ka pala dahil sa sobrang lalim ng iniisip mong kamunduhan.

Hanggang sa paghiga mo sa iyong kama, iniisip mo kung maiisipan nya bang maglakwatsa ngayong gabi at madadaanan niya ba ang panaginip mo. Minsan pati unan mo hinahalikan mo na, naiisip mo na hinahalikan mo ang matatamis niyang labi na kalasa ng paborito mong ulam. Ambaho tuloy ng punda ng unan mo dahil sa basa na ito ng laway mo. tsk tsk.

Pano kapag andiyan na siya? Mga ilang metro na lang ang kulang bago magtagpo ang inyong mga mata, ilong, bibig, tenga, katawan, paa, kamay, utak, puso, isip at damdamin. Siguradong kumakabog na ang puso mo sa kaba. Unti-unti ng nalalaglag ang ilang parte ng laman-loob mo papunta sa talampakan mo. Ang mga naiisip mo lahat burado na sa utak mo. Iniwan na lamang isang mensahe na "bahala na, andiyan na siya". Sobrang nakakadurog ng katinuan ang nangyayaring kaganapan. Hinde mo alam kung paano mo ipepresenta ang iyong sarile sa kanya. Kung magpapakyut ka ba? o kung ipapahalata mo ang bago mong damit, burloloy o buhok. Wala na, ikaw na lang at ang natitira mong malay ang magkasama sa bakbakang magaganap. Sa tagal mong magdesisyon at kumalma, ayun lumampas na siya. Hinde na kayo nagkabatian dahil sa kagaguhan mo. Sige habulin mo at tawagin mo. Mag-usap naman kayo.

Papayag ka ba naman na lampasan lang? Hinde ka man lang kasi nagpapansin e. Huminga ng malalim at ipunin mo ang natitira mong kahihiyan sa sarile at kausapin mo ang taong nagpapabilis ng iyong puso. Nakakakaba sobra? Nawawala ka sa sarile hinde ba? Ang lakas pa ng kabog ng dibdib mo. Minsan sumasakit pa ang tiyan mo sa sobrang kaba. Napansin mong nalaglag na ang puso mo sa bituka mo, ayusin mo muna at baka turn-off yun sa kanya.

Ayan na, unti-unti ka ng papalapit sa kanya. Nakita ka na niya na papalapit ka at nakatingen na siya sa'yo ng harapan. At babasagin mo na ang pader ng yelo na humaharang sa inyo patungo sa paraisong ipinundar mo para sa inyong dalawa. Sabay babanat ka ng "Hi, musta na?" at makikita mo ang pagkabigla sa kanyang mukha at ang napaganda niyang ngiti. At sasabihin sa iyo na "Sino ka?". Basag! Hinde ka pa naman kasi nagpapakilala. Sugod ka ng sugod. Ayan tuloy.

Ang tao nga naman kapag inlab, nasasabi ultimo langgam magkaka-diabetis sa tamis na mga linya tungkol sa pag-ibig. Maghahanap pa yan kung saang-saan website o kaya maggagawa ng sarile niya. Pero kapag naman nasaktan, maliligo sa mura ang natirang letrato ng mahal n'ya sa wallet n'ya. Ganun talaga ang buhay.

Naranasan mo na bang magsakripisyo para sa mahal mo? Yung tipong nagtiis ka para sa kanya? Siguro halos lahat naman tayo. Lalong lalo na sa mga pagkakataon na may okasyon. Halimbawa kaarawan, monthsary, anniversary, valentines, christmas, new year at iba pa. Tinipid mo yung pera mo para lang makaipon pambili ng regalo. Hinayaan mong magbugbugan ang bituka mo dahil sa gutom kasi pati pagtitipid sa pagkain ginawa mo. Ang tanging dahilan mo sa lahat ng pagpapahirap na yan ay ang mapaligaya siya at maparamdam mong siya ang pinaka-ispesyal na tao sa mundo mo.

O kaya minsan ginagawa mo lahat ng sinasabi niya. Nagpapaalila ka sa kanya. Alam mong wala itong kapalit kundi ang mga ngiti niya at pagpapagaan ng loob niya. Wala kang makukuhang pera o kahit anong salapi sa pagawa nito. Hinde ka rin makikilala at sisikat sa buong mundo kahit gawin mo ito buong buhay mo. Wala ka din makukuhang parangal o gawad-kalingang papremyo galing sa gobyerno. Basta alam mong napasaya mo siya, at umaasa kang mapanalunan mo ang pag-ibig nya. Na kadalasan namang bigo makuha. tsk.

Ito ang opinyon ko sa "Pag-ibig". Walang kinalaman ang pagiging panget mo o pagiging panget nya o pagiging maganda mo o pagiging gwapo niya. Wala din kinalaman ang limpak limpak niyong salapi o limpak limpak niyong utang. Wala din kinalaman ang mga horoscope o kahit anong hula, agimat o gayuma ng mga manghuhula sa quiapo o baclaran. Walang kinalaman ang mga paniniwala mo sa soulmate at true love. Iisa lang naman ang pag-ibig at wala ng iba. Kahit meron itong katapusan, habang buhay mo naman itong maaalala at kapupulutan ng aral. Kahit ilan beses ka pa umibig, hinde ka mauubusan nito. Akala mo lang naubusan ka na pero ang totoo natatakot ka lang na umibig uli dahil sa masamang karanasan. Pag-ibig lamang ang makakagamot sa sakit na dulo't ng pag-ibig. Basta ang mahalaga ay ang naramdaman mo ito at naranasan mong pahalagahan ang damdamin ng isang tao. At minsan sa buhay mo ay lumigaya ka kahit sa sandaling panahon.

If you enjoyed this post Subscribe to our feed

No Comment

Post a Comment