Mga nakakaaliw na bagay sa araw-araw na buhay (part 3: wakas)

Written on 5:50 AM by eLectroStatic

**Kung ako sa inyo basahin niyo muna ang part 1 at part 2 sa ibaba**

Tapos na nga ang klase. Pauwe ka na. Pero hinde ka mapakali dahil alam mong wala ka din mapapalang maganda sa bahay mo. Kaye heto't gusto mo munang tumambay at dumagdag sa mga walang silbi sa mundo. Nakasalubong mo ang barkada at sakto nag-aaya din tumambay. Andiyan ang Mall malapit sa skul, ang mga murang kainan sa gilid ng eskwelahan, o di kaya'y ang library na malamig na punong-puno ng mga natutulog na estudyante. Bahala ka na kung saan ka, pero sigurado wala ka pa din silbi kahit saan ka pumunta sa mga ito.

Kung tatambay ka sa mall, aba eh sulit ang pagod mo. Dahil malamig na, madami pang pwede mong bisitahin na tindahan. Kung may pera ka e pwede mong papakin lahat ng matipuhan mong bilihin. Mapa-gamit man o pagkain, sige bilhin mo. Magpakabalahura ka sa pagbili na parang hinde ka na makakabili muli. O kung wala ka naman budget, sige maglakad-lakad ka na lang dahil hanggang tingen at turo ka na lang sa harap ng tindahan. Kung gusto mo naman malibang, andiyan ang Arcade para sa mga mahilig sa laro, Videoke para sa mga bigong manganganta, at studio naman para sa mga nagbabanda. O kung gutom naman kayo ng barkada, o kasama mong syota, andiyan ang mga walang kamatayan na mga fast food chains ng bansa (auko mag-advertise). O kung wala ka talagang pera at trip mo lang talaga magsayang ng oras, meron mga libreng upuan para sa mga namamasyal lang. Umupo ka na lang at usisain mo ang bawat taong makita mo sa loob ng mall.

Sa gilid naman ng eskwelahan ay andiyan ang mga nagtitinda ng umagahan, tanghalian, hapunan. Minsan kasama pa pati midnight snack mo. Hinde rin mawawala ang mga nagtitinda ng sigarilyo. At syempre ang mga bida, ang mga tambay. Halo-halo at iba-ibang uri na ng tao ang sabay-saby nagsasayang ng kanilang oras sa pagawa ng wala sa lugar na ito. Meron mga barka-barkada, meron soloista, meron magsyotang lalake-babae na minsan nagiging lalake-lalake o babae-babae. Sa mga nilalang na yan, meron mga agaw pansin at pilit sumisira sa araw mo. Mga tipo ng tao na hinde mo maintindihan kung anong trip sa buhay. Eto sila:

PDA (Public Display of Abnormalities): Sila yung mga taong mga kakaiba ang trip sa buhay. Hinde sila mga astigin tignan. Kumbaga e mga isip bata pa. Mga hinde pa umaalis ang ugaling hayskul sa mga balat at laman nila.

PDA (Public Display of Affection): Magsyotang walang pakundangan maglandian sa harap ng ibang mga tambay. Pag sila iyong makita, para bang kulang na lang e alukin mo sila ng pribadong kwarto at dun nila gawin lahat ng kamunduhang pagnanasa nila sa isa't-isa.

Konyotics: "Bro, Dude, Muste ke nehh? Ako eto sexy naah.." Ganyan sila magsalita. Mga ingleserong may kanser sa dila. Pilit nagpapakasosyal pero ang bano naman kung pumorma. Pilit din nakikibagay sa mga akala nilang asteeg pero sa loob nila hinde naman nila gusto.

Pa-cool: Eto na ang buhawi. Parang malakas na low pressure area ng masamang hangin ang padating na siguradong hinde papalampasin ng ilong mo. Hayop kung pumorma, hayop sa gadget, at hayop din ang mukha. Grabe tong mga hybrid na mga panget na ito. Akala mo isang naglalakad na display sa mall, dahil sa dami ng mga nakasabit sa katawan. Pati paninigarilyo ginagawang pamorma. Magsisindi pero gagawin lang parol sa kanyang kamay. Lagi nya itong tinatapat sa mga maraming tao para ipakita at ipagmayabang na marunong siyang humawak ng yosi, hawak lang.

Ilang paalala:

Mga sintomas ng pagiging konyo:

#1: Madalas ka ng gumagamit ng mga salitang ingles sa pagsasalita, pagmumura at pagsusulat.
#2: Suwabe kung sabihin mo ang salitang "Shit".
#3: Ginagaya mo ang porma ng mga ilang sikat na personalidad sa ibang bansa.
#4: Humahangin ang paligid mo lage.


Mga sintomas ng pagiging Pa-cool:
#1: Alam mo lahat ng bagong damit, bagong relo, bagong cellphone, bagong brief, at lahat ng bago. Bago pa ko maines sa'yo ay tigilan mo na ko.
#2: Mahilig kang tumambay sa mga matataong lugar.
#3: Lagi kang humaharap sa salamin para magayos ng damit kada minuto ng araw mo.


solusyon: iumpog ang sarile sa pader hanggang sa masira ang pundasyon nito.


Kung sa library o silid-aklatan ka naman mapapadpad, madami kang makikitang nakayukong ulo na akala mo sinalo lahat ng kalungkutan ng mundo. Pero hinde, tulog lang sila. Sila ang mga kapwa mo estudyante na pagod mula sa klase. Hinde na nila hinintay makahiga sa kanilang kama para makarating sa panaginip nila. Nasa sarisarile na silang mga mundo nila. At kaya ka nandiyan dahil makikigaya ka sa kanila at pupuntahan mo din ang sarile mong panaginip. Maraming libro dito ay walang saysay at nagiging unan lamang ng mga tulog na estudyante. Ang mga lamesa nagsisilbing kama. Lalo na kung centralized ang library, ang lamig, masarap matulog. Silid-tulugan.

Matapos mo magsayang ng oras sa pagtambay, naihanda mo na ang iyong sarile sa pagharap sa iyong kapalaran. Uuwe ka na at haharapin ang masaklap ka katotohanan na tapos na ang isang araw na parte ng buhay mo. Sige larga na.

Kadalasan Lrt ang gamit mo pauwe. Dahil sa mabilis at masikip na, mabaho pa ito at madalas pang masira. Asteeg diba? O kung bus man ang pasok sa iyong panlasa, mabilis din ito at siguradong pupulutin mo ang utak mo sa sahig pagtapos ng biyahe. At siyempre hinde din maiiwasan na makasalamuha ang iba't ibang tao na makakasabay mo pauwe. Mga trabahador, mga estudyante, mga pulubi, mga koreano, mga mabaho, mga hinde naligo, mga hinde nagsipilyo at mga may muta pa.

Hinde din mawawala ang mga magsyotang magkahawak kamay, magkaakap, at magkahalikan. Akala mo isang eksena sa paborito mong palabas sa telebisyon na kung saan ang bawat kilos at pagalaw nila ay dapat maging romantiko na kulang na lang ay tubuan ng rosas ang paligid nila. Bago mo pa makita na nilulusob na sila ng isang batalyon na naglalaway na pulang langgam, eh matulog ka na lang muna sa iyong biyahe. Alam kong sawa ka na sa kabullshitan sa iyong paligid. Ganyan talaga ang buhay.

Sa pagbaba mo sa biyaheng lrt o biyaheng bus, sasakay ka pa pala ng Jeepney. Tignan mo muna kung sapat pa ang barya mo na sukli sa binili mong yosi kanina. Kapag kulang, kelangan mo ng humawak sa patalim. Pero may oras ka pa naman para mamalimos ng ilang barya sa mga kasabay mo. Andiyan na ang jeep, ihanda ang sarile makipagtulakan, makipagbalyahan at makipagsiksikan sa mga iba pang pasahero.

Kung anong eksena ang nakita mo kaninang umaga e ganun pa din ang makikita mo sa jeep na iyong sinasakyan sa paguwe. Mga tulog, sabog, at gutom na kayo pare-pareho pero konting tiis na lang ay makakarating na kayo sa inyong mga tahanan.

Pagdating mo sa bahay, magmamano ka na kay lolo't lola, nanay't tatay, ninong't ninang bilang tanda na nasa bahay ka na nga. Maghahanap ka ng pagkain sa lamesa. Minsan meron, kadalasan wala. Mangangaso ka muna ng naliligaw na delata sa kalsada para magkaulam ka. Ang bigas aanihin mo pa sa rice dispenser ninyo. Pagtapos mo kumain, hinde ka pa busog. Pumanik ka na lang sa iyong kwarto at magpahinga.

Sa loob ng magulo mong kwarto, ihahanda mo na ang mga gamit mo para sa iyong takdang aralin. Kung may computer ka man, bubuksan mo na ito at dito ipagpapatuloy ang pagsasayang ng oras. Eto ang karamay mo kadalasan kapag may mahaba kayong pagsusulit kinabukasan at required kayong wag matulog sa gabing iyon. Aabutin ka kadalasan ng alas-dose, ala-una, alas-dos o minsan pa alas-kwatro ng umaga bago mo matapos ang iyong takda. At ang klase mo kinabukasan ay nagsisimula ng ala-siyete y medya. May dalawang oras ka pa para matulog ng mahimbing. Bago ka matulog ay maglilinis ka pa ng katawan, ngayon may isang oras ka na lang para matulog ng mahimbing.

Pero minsan naman natatapos ang araw mo na libre ang gabi mo. Hawak mo lahat ng oras sa gabing iyon para isipin at balikan lahat ng nangyare sa iyo. Mula sa masarap na pagising hanggang sa masaklap na paguwe. Inaalala mo ang bawat taong nakita mo at pilit mong sinasagot ang ilang katanungan sa iyong sarile. Hinde mo maiwasang isipin kung minsan na sadyang itinakda sa iyo ng tadhana na maging ganyan ang buhay mo. Pero kung susumahin mo e ikaw din naman ang may gawa sa iyong sarile na magkaganyan ang buhay mo.

Nasa atin ang pagdedesisyon kung paano papatakbuhin ang buhay natin Hinde mo kelangan sisihin ang oras o ang panahon kung bakit ka nababagot sa buhay mo. Hawak mo ang solusyon sa pinakamalaking problema ng iyong buhay. Wala ka rin mapapala sa kakasisi mo sa diyos kung bakit ka nagkaganyan. Hinde ito maibibigay ng kahit anumang dasal na saulado mo. Minumulat ka lamang nito para mas makita mo ang mga walang kwentang bagay sa iyong sarile. Binigyan ka ng diyos ng isip, puso, mata, ilong, tenga, bibig, kamay at paa para magawa mo ang mga gusto at dapat mong gawin. Nasa sa iyo kung gusto mong likhain ang solusyon na hinahanap mo. Simulan mo sa pinakasimple ang pagbabago, unti-unti naman itong magiging mas maganda sa bawat pagbabagong gagawin mo. Konting tiyaga lang at pagsisikap ang kelangan. Kaya mong baguhin ang lahat ng walang kwentang nangyayare sa iyo kahapon sa bukas na haharapin mo. Sige matulog ka na, marami pang naghihintay na pagkakataon para sa iyo sa hinaharap.

If you enjoyed this post Subscribe to our feed

No Comment

Post a Comment