Mga nakakaaliw na bagay sa araw-araw na buhay (part 2)

Written on 2:44 AM by eLectroStatic

Nakarating ka na sa lugar ng iyong pinapasukan. Pero makikipagsiksikan ka muna sa pagbaba sa iyong sinasakyan. "Excuse me, padaan po." ; "Makikiusod." ; "ANO BA?!!". Ilan lang yan sa masasabi mo o di kaya maririnig mo. Pagbaba mo hihinga ka muna dahil sa nakakapagod na biyahe. Hihinto ka muna sa isang tindahan ng yosi at magsisindi. Sarap na sarap ka sa paghithit at pagbuga habang naglalakad papasok.

Habang sa iyong paglalakad kung ano-ano pa ang makikita mo. Meron mga natutulog pa sa kanilang "5-star bangketa". Meron ng nagsisimula ng kanilang "entrepreneurship" sa pagtitinda ng kung ano-ano sa kalye sa araw na iyon. Meron din nagwoworkshop pa ng kanilang pagmamakaawa para mas malakas ang kita ng kanilang pamamalimos. Meron din dalawang asong hinde pa din tapos sa isang mainit na gabing puno ng bakbakan. Meron din dito ng mga gahamang tricycle driver na akala mo ginto ang gulong kung maningil. Meron ka din makikitang nagbebreakfast sa karinderya ng bayan. At siyempre mawawala ba ang mga buwitre at hagad na hinding-hinde magpapatalo sa pangongotong. at oo nga pala, meron din mga nagpapakadalubhasa sa kanilang propesyong "PAGTAMBAY". Nagpapaligsahan din sila kung sino ang pinakamaraming walang magagawa sa araw na iyon.

Matapos ang paglalakbay mo sa kalye. Eto nasa skwelehan ka na. Bubunutin mo na ang iyong malupit na identification card at ikakaskas sa censor ng computer ng entrance ninyo. Kung hinde naman hi-tech ang iyong eskwelahan, eto isusuot mo na ang di sabit na name tag at ngumiti sa guwardya ng inyong paaralan. At dahil uso ngayon ang A(h1n1) na sakit, malamang meron din sa gate ninyo na mga nagaabang na ika'y "barilin"..este.. kunin pala ang iyong temperatura gamit ang hugis baril na kung ano man ang tawag nila dun, wala ka ng paki. At meron pang isang mahiwagang kagamitan na isinusuksok naman sa iyong tenga. Hinde mo na naranasan masubukan yun dahil yung baril na ang ginamit sa'yo. Nangako ka sa sarile mo na bukas yun naman ang maeexperience mo. O siya lakad na papunta sa iyong silid.

Sa iyong paglalakad sa loob ng paaralan, sari sari pa din tanawin ang iyong makikita. Andiyan si "Gwapong-gwapong BF" na makakasalubong mo sa gate na hinihintay ang syota nyang late lage. Andiyan din si "Mr./Ms. Early bird" na 7:30am palang aya nasa eskwelahan na pero ang klase ay mamaya pang 12:00pm. Eto pa si "Crammer" na nagmamadali pumasok dahil mangongopya ng assignments at magrereview dahil meron silang quiz mamaya. Makikita mo din ang mga "Vartisies" (oo vartisies talaga siya) na napaka-agang sinisimulan ang pageensayo ngunit lage naman talo sa mga paligsahan. Siyempre lilingunin mo sila dahil maghahanap ka ng gwapo/maganda sa kanila at sisimulan mo na ang karir mo sa pang-iistalk sa kanya sa buong taon. Sa cafeteria naman ay makikita mo sila crammer o sila "Couple of the year" na hinde nag-almusal dahil hinde pa sumisikat ang araw ay nagsimulang ng bumiyahe paalis. Pagdating mo sa labas ng klasrum mo ay makikita mo ang mga kaklase mong nakaupo sa dingding at hinihintay na buksan ang silid. Kung titignan mo ang buong corridor, makikita mo ang mga grupo-grupo na nahati din sa kategorya.

Bandarito: Madalas silang magkakasama at pare-parehong mga nakapormang rakista. Kadalasan din binubuo ng mga lalake lamang. Bihira mo lang sila makita na may kasamang babae. Siguradong meron silang mga alam na instrumento na tugtugin o di kaya'y updated sila sa mga bagong kanta ngayon. Kadalasan din mahaba ang kanilang mga buhok tulad nila ng ilang kilalang personalidad sa industriya ng musika.

Berks: Eto ang mga grupo ng estudyante na binubuo ng babae at lalake. Lagi silang magkakasama tuwing vacant, lunch, at uwian. Hinde sila nag-iiwanan at lagi silang sabay-sabay na nagrereview kapag may exam.

Machos: Eto din ay grupo ng mga lalake. Mga brusko at todo kung pumorma. Madalas nilang pag-usapan kung gano nila kahirap pinalabas ang kanilang mga mukels..muscles pala.. At kung ano-ano ng sofa at appliances ang mga nabuhat nila sa gym.

Kikays: Binubuo lamang ng mga babae. Sila yung mga nagkakasundo kapag pagpapaganda na ang pinagusapan. Ang madalas nilang dala ay ang kanilang mahiwagang shoulder bag na kumpleto sa kagamitan. Andiyan ang make-up, libro, notebook, papers, documents sa loob ng bag. Nakakapagtaka kung pano nila nagpagkakasya ang lahat ng iyon.

Couples: Eto ang mga magsyotang laging magkasama. Lagi din silang magkaklase sa lahat ng subject. Wala silang kakilalang iba. Kung meron man, siguradong mga kaklase lang nila yun. Sa kanilang dalawa lang umiikot ang mundo nila.

Poseros/Poseras: Pwedeng grupo ng lalake o grupo ng babae. Sila ang mga tipo ng tao na tumatambay lamang sa matataong lugar. Lagi silang merong bagong damit, sapatos, gadget, at pati siguro bagong brief/panty ay ipagmamayabang na din nila. Sila din yung mga laging maangas tumayo o tumingen sa mga dumadaang tao. Madalas silang bumisita sa banyo upang tignan sa salamin kung nagulo ang kanilang buhok. Ang dala lamang nilang bag ay yung medyas mo lang ang magkakasya. Medyo may pagkakahawig sila sa "Ang tropa". Pero ang mga posero/poseras ang mas mababang antas.

Ang Tropa: Binubuo ito ng babae at lalake. Laging nagtatawan at nagkukulitan. Sila yung mga taong pagmagkakasama ay siguradong pagtitinginan ng tao sa ingay. Dahil lagi nga silang nagtatawanan at nagkukulitan. Lagi din silang magkakasama kapag may okasyon, lalo na kapag may inuman at kainan. Sila din yung mga taong "ang kaaway ng isa ay kaaway ng lahat". Siguradong reresbakan ka ng buong grupo nila kapag meron kang kinanti kahit isa sa kanila. Kaya siguraduhing kaibiganin ang mga ito.

Loner: Pwedeng babae o lalake. Sila ang pariah o untouchbles ng kategorya. Kadalasan mong makikitang may hawak na libro o di kaya'y kung anong bagay na pang-isang tao lamang. Nalilibang na sila sa ganun lang. Siguro maiiyak siya kung may isang taong lalapit sa kanya at makikipagusap. Kahit siguro magtanong lang ng direksyon.

Papasok ka na sa loob ng silid-aralan mo. Titignan mo muna kung saan ang bakante o di kaya kung saang puwesto ang may katabing matino. Pagpasok ng titser ay siguradong susuriin mo muna kung kabilang siya sa lalake o babae. Kung lalake, tatanungin mo muna ang sarile mo kung bakla ba to o tunay na lalake. Kung babae, tbird o may asawa na. Oobserbahan mo din kung pano siya makikitungo sa klase, kung terror ba o di kaya ay sure pass. Kung dapat bang pasukan o pwede ng mag-cutting na lang. At siguradong lahat ng taong kasama mo sa klasrum ay pare-pareho ang iniisip, kung tao siya o hinde.

Magsisimula na siya ng aralin, ang guro. Habang pinagmamasdan mo ang panget niyang mukha, walang pumapasok sa isip mo kundi ano ang pinagsasabi ng nilalang na yan sa harap. Pilit mong sinasagot kung bakit ang dami nyang alam sa buhay, tao ba siya? Ayan nakuha nya ang atensyon mo, pinilit mong intindihin ang turo. Pero wala pa din. Wala pa din pumasok sa isip mo. Sa lahat ng klase mo wala kang natutunan. Bawi na lang bukas.

Tanghalian mo na. Binigyan ka ng maykapal ng sandaling oras para kumain at ibalik ang sarile mo sa normal bago ang iyong susunod na klase. Kasama mo ang tropa mong ibinabalik din ang sarile sa dati. Tutungo kayo sa cafeteria at sasali sa kilos protesta ng mga gutom na estudyante dahil sa bagal ng pagtitinda ng pagkain. Uunahin mo muna humanap ng pwesto saka ka sasabak sa giyera. Sige rumonda ka muna ng mga taong patapos na kumain. Sa iyong pagronda, marami kang makikita na bakanteng lamesa ngunit merong bulubunduking tambak ng bag na nagpapahiwatig na meron ng nakapuwesto. Maghahanap ka din ng kakilala mo at makikisalo sa kanyang lamesa. Ngunit mahirap maghanap, kung meron man ay siguradong may kasama din sya, wala kang pwesto sa tabi nya. Ayan may nakita ka na, bilisan mo. Madami kang kasabay na rumoronda. Yun, nahuli mo. Meron ka ng lamesa. Sige pumila ka na at bumili ng iyong pagkain. Ubos ang oras mo sa pagpila at pagkain. Malapit na mag-bell, wala ka ng oras tumambay at pumetix pa. Akyat na.

Matapos ang madugong tanghalian, papasok ka na uli sa iyong klase. Makakaharap mo uli ang isang panibagong nilalang na iyong kagigiliwang laitin. Ngunit hinde rin magtatagal ay matatalo ka ng nakakabagot nyang pagtuturo. Mawawala ka nanaman sa iyong katinuan. Tingen ka ng tingen sa relo dahil kaunti na lang sasabog ka na dahil sa bagot. Bawat galaw ng kamay ng relo nararamdaman mo. Bumabagal ang paligid, pati ang pananalita ng guro lumalaki at bumabagal. Bawat kabog ng dibdib ng kaklase mo nararamdaman mo na din. Dahil parepareho na kayong naiinip at gusto ng umuwe. Ayan malapit na, malapit ng matapos ang oras ng klase nya. Unti-unti mo ng nakikita ang liwanag mula sa madilim na impyernong kinauupuan mo. Simulan mo na ang pagbibilang, 5,...4,...3,..(kringkringkringkring!!). Sa bagal mo magbilang naawa na sa iyo ang bell at kusa na siyang tumunog para sa iyo. Kaawa awa kang nilalang. At dahil sa biglaang pangyayare, nagising ka na lang sa katotohonang uwian na. Kinakapa mo ang iyong sarile dahil hinde ka makapaniwalang uwian na. Sige tayo na, uwian na nga.

Sa paglabas sa silid aralan, hahanapin mo ang tropa mo at tatanungin isa-isa dahil aayain mo silang kasabay pauwe. Sige simulan mo na. Dahil hinde pa tapos ang istorya ng iyong araw. Sige huminga ka muna.

If you enjoyed this post Subscribe to our feed

No Comment

Post a Comment